Thursday, December 15, 2011

MGA PAG-AARAL TUNGKOL SA ANTING-ANTING SA PAMANTASAN

Sa mga pag-aaral naman ng mga iskolar tungkol sa anting-anting, ang pinakabago ay yaong ginawa ni Ma. Bernadette G. Lorenzo-Abrera, “Ang Numismatika ng Anting-Anting, Panimulang Paghawan ng isang Landas Tungo sa Pag-unawa ng Kasaysayan at Kalinangang Pilipino" (1992). Inuri ni Abrera ang mga anting-anting sa likas at di-likas na anyo, at iniugnay ang anting-anting sa pagkadalisay ng pagkataong Pilipino. Mababanggit din ang kay Daniel J. Scheans at Karl Hutterer, S.VD., "Some Oracion Tattoos from Samar" (1970) Richard Arens, S.VD., "The Use of Amulets and Talismans in Leyte and Samar" - at ang "Librito sa Orasyones" ni Juan Calang noong 1900 na inedit, isinalin at nilagyan ng anotasyon ni Francisco R. Demetrio, S.J. (1972). Nakatuon ang tatlong pag-aaral na ito ng mga pari sa oracion at sa mga anting-anting na mula sa pamamagitan ng paglilinis at pagsasakripisyo lalo na sa panahon ng Mahal na Araw. Inilahad din niya ang mga pamanlaraan ng pagtatamo ng anting-anting, katulad ng nabanggit sa artikulo ni Francia.

Nagbigay din si Ileto ng iba pang pamamaraan ng pagtatamo ng anting-anting na irindi nakakatakot. Ayon sa kanya, ang pinakapalasak na pamamaraan ay sa pamamirgitan ng pagkuha ng mga bagay na ginamit o kaugnay ng mga ritwal kapag Mahal na Araw. Ang malaking pang-kuwaresmang kandila na cirio pascual, ang mga kandilang ginagamit sa seremonya ng ganap na kadiliman (lalo na yaong pinakahuling pinapatay); ang monstrance na pinaglalagyan ng banal na sacramento, ang mesa na pinagkukumunyunan, at maging ang batingaw na tumutugtog ng alas tres kung Biyernes Santo ay hinahati sa maliliit na piraso na nagsisilbing anting-anting. Sa ibang bayan, ang mga piraso ng papei ay sinusulatan ng mahiwagang ingkantasyon at inilulubog sa agua bendita sa araw ng Linggo ng Pagkabuhay at sa gayo'y nagiging anting-anting. Marami pang maidadagdag na detalye na maituturing na kaalamang bayan, tulad ng mga sumusunod na salaysay mula sa Paete Laguna:

Our great revolutionist and rebels used various forms of anting-anting "The one possessed by Asedillo, Ronquillo and even our common “beteranos” were in the form of medallions made of copper or bronze wherein images of the Sacred Family were engrave together with Latin scriptures. The only time these "anting-anting" medals were acquired was during the ceremony of the church on Good Friday.

Sa ating kasaysayan ang anting-anting ay naging makabuluhang bahagi ng pakikihamok at pagtatanggol para sa kalayaan, katarungan, katwiran, at kabanalan. Sa kanilang pagsalakay taglay ng mga kasapi ng Cofradia de San Jose ni Apolinario de la Cruz (1840) ang dignidad sa pagharap sa mga sundalong Kastila na nagpapakita ng kamalayan ng isang nagtataglay ng anting-anting. Naniniwala silang di sila tatablan ng bala ng mga Kastila kaya walang takot silang sumasalakay. Gayon din ang paniwala ng mga Katipunero na hindi miminsang pinag-ukulan ng pansin ng mga peryodista at historyador. Nalathala sa New York Herald noong Pebrero 1897 na lahat ng kawal sa hukbo ni Aguinaldo ay may suot na "scapularies and crucifixes around their collars... and also a band of red cotton cloth having another anting-anting secured inside.” Ayon pa rin sa ulat, si Aguinaldo naman ay may kasa-kasamang dalawang batang lalaki na nagsisilbing anting-anting na magliligtas sa kanya sa panganib.Ipinagpapalagay ng mga tauhan ni Aguinaldo na ang kanyang mga tagumpay sa labanan ay bunga ng kanyang makapangyarihang anting-anting. Itinuturing siyang "possessed of magic powers; he could foresee the future; he was invulnerable; he had a magic sword by waving which he could turn bullets in their flight."

May sapantaha si Ileto na naniniwala si Aguinaldo sa anting-anting sapagkat kailangan siyang umayon sa paniniwala ng kanyang mga sundalong magsasaka tungkol sa kung ano ang dapat taglayin ng isang taong makapangyarihan. Ayon kay Claudio Miranda, may akda ng Costumbres Populares (1911), sa “matatalinong opisyal” ang anting-anting ay “a simple stimulant to infuse valor and maintain that serenity and cold bloodedness which all the armies of the world need.”

Ikinuwento ni Hen. Artemio Ricarte, sa kanyang Himagsikan ng manga Pilipino Laban sa Kastila, kung paanong si Eusibio Di-Mabunggo, pinuno ng mga tagapagtanggol ng Cacarong de Sili sa Bulacan, ay namahagi sa kanyang mga tauhan ng mga bilog na piraso ng papel; sa gitna nito, may nakasulat na krus na napapalibutan ng mga salitang Latin. Habang may inuusal siyang mahiwagang pormula, nilululon ng kanyang mga tauhan ang mga papel na buo ang pananalig na maliligtas sila sa kapahamakan. Sa gayon, sa kanilang paniwala ay napasakanila ang kapangyarihang natipon sa parang ostiyang papel na inuugnay sa kamatayan at pagkabuhay ni Kristo. At upang magkabisa ang kapangyarihan ng anting-anting ay may binigkas na mahiwagang pormula si Eusebio. Sinasabi rin ng kanyang mga tauhan na sinumang matanaw niya sa sandali ng pakikihamok at kanyang nabasbasan ay makakalaya sa panganib at kahirapan ng buhay.

May paniwala si Ileto na hindi maitatatwa na si Eusebio Di-Mabunggo ay may matinding konsentrasyon ng kapangyarihan sa kanyang pagkatao kaya nagawa niyang pukawin o antigin ang ilang tao sa pamamagitan lamang ng kanyang tingin. Tinurol din ni Ileto ang katotohanang ito sa partikular na yugto o pangyayari sa sa kasaysayan ng rebulosyong Pilipino at nagpapahiwatig sa atin na ang sambayanang Pilipino, sa pamumuno ng karismatikong lider, ay nakikihamok nang buong tapang laban sa mga Kastila. Subalit higit pa rito, itinuturo ang isang mundo ng kaisipan na siyang pinagsasaligan ng pakikibaka ng masa. Sa kabila ng madalas na banggit sa anting-anting sa mga dokumento at panayam sa mga beterano sa Katipunan na nagtuturo sa makabuluhang papel na ginampanan sa pag-iisip at motibasyon ng mga rebeldeng magsasaka, tulisan, sundalo at maging heneral ng rebulosyon, ang paksa ay hindi pa nabibigyan ng dalubhasang pag-aaral at atensiyon. Ayon kay Ileto, ang suliranin marahil ay nag-uugat sa pagtutol ng moderno, rasyunal at maka-agham na pag-iisip na pag-aralan, kundi man tanggapin ang katotohanan ng naiibang konseptuwal na sistema. Ang ganitong uri ng pananaw, dagdag pa ni Ileto, ay nakahahadlang sa maaaring pag-aralan sa nakalipas sapagkat ang kalakhan nito ay hindi mauunawaan sa kasalukuyan, kaya winawalangbahala na lamang ito.

Samantala, may maikling artikulo si Dr. Propero R. Covar tungkol sa anting-anting na nalimabag sa Sagisag noong 1979 at muling nalimbag sa Asian Studies noong 1980 sa higit na mas mahabang anyo ng pagtalakay. Sa artikulo, nabanggit niya ang tungkol sa KARUNUNGAN NG DIYOS na pinaghahanguan ng mga oracion para sa anting-anting. Tulad ni Ileto, sinabi niya na pang pagpipinitensya ng pag-aanting ay hindi lamang upang magsisi ng kasalanan kundi upang mapangalagaan ang kanilang mga anting-anting at linisin ang kalooban para maging karapat-dapat na "templo ng kapangyarihang anting-anting." Binanggit din sa artikulo ang iba't ibang posibilidad na pinagmulan ng anting-anting subalit wala rin itong mas malalim na paliwanag. Ang artikulo ay panimula lamang at maliit na bahagi ng isang mas malawak na kaalaman at kakaibang daigdig ng mga konsepto; isang pananaw sa mundo na matagal nang nakaugat sa kamalayan ng mga katutubong Pilipino at naging pananggalang laban sa pananakop ng mga dayuhan.

Kung may pananaliksik mang nasulat na kakikitaan ng pang-unawa at pagmamalasakit, ito ay ang pag-aaral ni Romeo A. Solina, isang estudyante ni Dr. Covar sa Unibersidad ng Pilipinas: "Talismanic Tradition Among Tagalogs" (1979). Sinuri ni Solina ang tatlumpu't limang medalyon ayon sa gamit, at ibinigay niya ang mga oracion na kanyang nakuha mula sa gumagawa ng anting-anting sa Baclaran. Nagbigay din siya ng maikling paliwanag tungkol sa pagpapaandar at pag-aalaga ng anting-anting. Iminungkahi rin niya na gumawa pa ng mga pag-aaral tungkol sa anting-anting hindi lamang ng mga Tagalog kundi maging ng iba pang mga rehiyon upang makabuo ng Filipino theogony o sistema ng pananampalataya na mahahango mula sa mga talisman at ng mga kaukulan nitong oraciones.

Bukod sa mga nabanggit, may isang bungkos pa ng papeles sa NATIONAL ARCHIVES na ang pamagat ay “Asuntos de Anting-Anting" na tumutukoy sa mga kaso kaugnay ng anting-anting sa Catbalogan noong 1884-1885. Mayroon din isang sipi ng oracion na nagsisilbing anting-anting sa panggagamutan na matatagpuan sa bungkos na tinatawag na "Sediciones y Rebelliones Medico Titulares."



Source: Nenita D. Pambid, Anting-Anting (O Kung Bakit Nagtatago sa Loob ng Bato si Bathala) – University of the Philippines Press 2000

No comments:

Post a Comment

Respect is the KEY WORD