Pages

Thursday, December 15, 2011

ANG ANTING-ANTING SA PANITIKAN AT KASAYSAYAN

Mayaman ang panitikan at kasaysayan ng Pilipinas sa mga tala at banggit sa anting-anting at sa mga gumagamit nito. Madalas binabanggit sa mga kuwentong bayan ang mahiwagang mga bagay. Isinasalaysaay ng isang mahiwagang panyo sa kuwento tungkol kay Don Juan Tinoso. Sa romansang Jaime del Prado naman, ipinakita ang pagtugon ni San Antonio sa panalangin ng pangunahing tauhan-nagpadala ng isang mahiwagang bolang garing, may kasamang sulat na nagtatagubilin ng wastong paggamit nito. Sa huli, muling tinulungan ni San Antoniosi del Prado; binigyan si del Frado ng isang mahiwagang sombrero na may tagabulag-hindi makikita ninuman ang taong may suot nito. Sa isa namang romansa na namatay ang pangunahing tauhang si Rodrigo de Villa, sinalo ni San Miguel Arkanghel ang pamumuno sa hukbo hanggang sa makamit nito ang tagumpay laban sa kaaway.

Sa anting-anting, tumitingkad ang kagitingan hindi lamang ng mga pangunahing tauhan ng mito't alamat; tumitingkad din ang kagitingan ng mga tulisang tulad nina Tiagong Akyat, Nardong Putik, at Kamlon, at ng mga tunay na bayani ng ating bayan. Sa kabila ng palasak na kaalaman tungkol dito, kakaunti pa lamang ang mga pagaaral at pananaliksik tungkol sa anting-anting.

Ang una't seryosong pagtalakay sa anting-anting ay ginawa ni Wenceslao Retana sa kanyangSupersticiones de los lndios Filipinos, Un Libro de Aniterias. May labinlimang sipi lamang ito na inilimbag sa Madrid noong 1894. Ayon sa kanyang Aparato Bibliografico, angSupersticiones ang pinakauna at natatanging pagtalakay sa anting-anting sa Pilipinas at marahil, sa buong daigdig. May tatlong librito ng oraciones na nakuha sa isang nadakip na tulisan sa Pangasinan. Nakakuwintas sa leeg ng tulisan ang mga librito, na animo'y eskapularyo. Kay Retana, ang mga librito ay mahahalagang etnograpikong dokumento kung kaya't minarapat niyang ilimbag ito nang buo kasama ng kanyang anotasyon. At tulad ng nagaganap sa kasalukuyan, pinansin din ni Retana ang hirap sa pangangalap ng mga impormasyon at materyal tungkol dito dahil nauubos kaagad ang gayong mga dokumenro ar ang bentahan ay apat o limang beses ng orihinal na presyo.

Sa kanyang libro, inuri ni Retana ang iba't ibang amuleto na pinaniniwalaan ng mga katutubong Pilipino. Mas akmang tawaging brujerias kaysa aniterias ang mga ito, ayon kay Retana, sapagkat sa kanyang pananaw pawang mga pamahiin ang mga ito. Kanyang napansin na karamihan sa mga katutubo ay nagdadala ng iba't ibang bagay-nakasulat na dokumento, panalangin na may masamang intensyon, damo, ugat ng halaman, balat, buhok, katad o pelyeho, buto, bato, at iba pa --- upang magkaroon ng kagila-gilalas na kapangyarihan, hindi magapi sa labanan, makatakas sa hustisya, magtamo ng kayamanan, magkamit ng pag-ibig ng isang babae, at iba pa. Nagdadala rin sila ng amuleto upang hindi tablan ng bala at may maipananggalang sa mga panganib at sakuna. Ang kanilang mga amuleto ay maliliit na librito na naglalaman ng mga dasal na may halong mga salitang Latin at Kastila. Ang iba naman ay gumagamit ng mga bato na natagpuan sa mga bangkay ng hayop, butil ng nanigas na bunga, at kalansay ng mga bata. Sa Tagalog, "anting-anting" ang tawag sa lahat ng mga bagay na ipinagpapalagay nilang may kapangyarihan. May anting-anting naman na kung tawagin ay "agimat." Kadalasan, ito'y maliit na piraso ng kahoy, bato, kabibe, ngipin ng buwaya, at iba pa na pinakamabisa-sa opinyon ng mga mapamahiin-upang ipananggalang sa sarili laban sa lahat ng uri ng kaaway. Ang inilathala ni Retana na tatlong librito ng oracion ay anting-anting para sa lahat ng nabanggit na kapangyarihan. Tulad sa mga artikulo sa kasalukuyan tungkol sa anting-anting, mahirap maunawaan ang kahulugan ng mga oracion o salita.

Pagkatapos ng Rebolusyong 1895 at ng Digmaang Pilipino-Amerikano, lumabas ang ilang artikulong nagbigay-pansin sa paggamit ng anting-anting ng mga rebolusyonaryong Pilipino (tulisanes kung tawagin ng mga Amerikano dahil sa Brigandage Act ng 1902). Ilang halimbawa: Harper's History of the War in the Philippines, inedit ni Marrion Wilcox (1900); "Amuletos Guerreros de la Pasada Revolucion," ( 191 0 ); "El Anting-Anting," ni Paco Venegas (1 91 1 ); at "Anting-Anting," ni Anak Bayan (1913). Ang tatlong huling artikulo ay nalathala saRenacimiento Filipino. Ang isa pang artikulo ay ang "Anting-Antings, Las Armas mas Poderosas de la Revolucion," Philippines Free Press (1929). Maiikli ang mga artikulong ito at kinikilala lamang o ipinababatid ng mga sumulat na para sa kanila, ang anting-anting ay isang palaisipan na kakatwa o kamangha-mangha.

Maging ang pangulo ng Rebolusyonaryong Pamahalaan na si Heneral Emilio Aguinaldo ay pinaniniwalaang nag-aangkin ng anting-anting.

"Aguinaldo's power lies chiefly among tbe lowest class of natives who have a superstitious veneration for him that is quite inexplicable. They believe that he bears a charmed life and that no bullet or knife of the enemy can injure him. Not only do they wear on their chest in battle representations of religiouss symbols rudely drawn on cotton cloth, and carry in their mouths bits of parchment on paper with similar designs drawn in pencil in a magic circle (they call these charms anting-angting) but they even carry Aguinaldo's name as a fetish. There are many stories told among them of builets glancing from his unprotected body and of his superhuman powers. This superstition concerning the young leader prevails only among Tagals"

Isang palaisipan kung bakit naniniwala pa rin ang karamihan sa bisa ng anting-anting, sa kabila ng mahabang kasaysayang kasawian na tinamo ng mga katutubong gumamit nito laban sa mga mananakop. Hindi maunawaan ng mga dayuhang puti ang ganitong " kabayanihan" ng mga Pilipinong nakikihamok sa isang labanang walang iniwan sa paglalaban ni David at Goliath:

"Why did not these men surrender? It was an exhibition of solid beroism, the like of which I shall not see again. At least over the graves of these men, whose actions we cannot quite understand, should be written the word "heroes." Many of these men wore anting-anting, or charms to preserve life..."

Ganito rin ang pagtataka ng editor ng Anting-Anting Stories and Other Strange Tales of the Fiiipinos ni Sargent Kayme (1901):

"...That the truly remarkable stories written by Sargent Kayme do not exaggerate the realities of this strange life can be easily seen by any one who has read the letters front press correspondents our soldiers, or the more formal books of travel.

Strangest perhaps, of all these possibilities for fiction is the anting-anting, at once a mysterious power to protect its possessor and the outward symbol of the protection. No more curious fetish (sic) can be found in the history of folklore. A button, a coin, a bit of paper with uninteiligible words sribbed upon it, a bone, a stone, a garment, anything, almost--- often a thing of no intrinsic value - its owner has been known to walk up to the muzzle of a loaded musket or rush upon the point of a bayonet with a confidence so sublime as to silencer ridicule and to command admiration if not respect."

Sa kuwentong pumaksa sa anting-anting, Hindi Biro!... o Ang Anting-Anting, (1919), ginawang katatawanan ang ritwal ng pagtatamo ng anting-anting. Sa pagtatapos ng kwento ay nawalan ng kaugnayan sa anting-anting at mahihinuha na kinasangkapan lamang ng panghalina ang anting-anting upang makaakit sa mambabasa. Pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, lumabas naman ang kuwentong "The Amulet" (1947) ni Edilberto K. Tiempo.

Mula 1950 hanggang 1978, may mga artikulo at lathalain na lumabas sa iba't ibang magasin. Tulad ng mga nauna, kulang sa impormasyona ng mga ito at itinuturing na pamahiin, panatisismo o lihis na paniniwala kundiman kabaliwan, ang paniniwala sa anting-anting. Sa artikulong "Fanaticism in the Philippines" ni Jose C . Balein (1959), isinalaysay niya ang masaklap na pagkatalo ng Iglesia Watawat ng Lahi sa Bicol noong 1955 nang sumagupa ang mga kasapi nito sa konstabularya. Si San Juan ang lider ng grupo-sampu ng kanvang mga kasama ay mav suot na maliliit na pulang puso sa dibdib upang di-umano ay hindi sila tablan ng bala. Hindi nalalayo ang kasaysayan ng grupong ito sa nangyari sa mga kasapi ng Cofradia de San Jose ni Hermano Pule noong 1840.

Sa “Anting-Anting, the Native Defense Against Evil Contained in a Medal, or Amulet" (1952), sinabi naman ni Ernesto A. Franco na ang paghahanap ng anting anting ay gawaing hindi nauukol sa isang karaniwang nilalang. Sa Katagalugan, Kabisayaan at maging sa ilang panig ng Mindanao, ang paghahanap sa itim na karunungan ay para lamang sa mga taong matapang, mapangahas, at nasisiraan ng bait. May mga teoryang inilahad si Franco tungkol sa pinagmulan ng anting-anting.

Una, ayon sa mga albularyo, nanggaling ang anting-anting sa mga nilalang na tulad ng kapre (na naglalakad sa hatinggabi na kasintaas ng mga puno), aswang (kumakain ng laman ng tao at nag-aanyong hayop), tianak (sumisipsip sa dugo at lamang-loob ng sanggol sa pamamagitan ng mahabang nguso nito), tikbalang (nagaanyong hayop upang linlangin at akitin ang kanyang biktima), sigbinan (nagiging buwaya), manipulat (may kapangyarihang pag-ibigin o pag-awayin ang dalawang tao), at mangkukulam o manggagaway (may manyika na tinutusok upang saktan ang isang tao).

Ang pinagmulan ng nasabing masamang anyo o mga nilalang ay naglaho sa paglipas ng panahon. Maraming naniwala na ang mga iyo'y nagkatawang-tao o naging masasamang anito, pagkaraa'y naging halaman, hayop o bagay na namiminsala sa sangkatauhan. Sa gayon, walang laban ang tao sa ganitong mga nilikha. Hindi pantay ang laban. At upang may maipananggalang lumikha ang mga sinaunang Pilipino ng anting-anting na lubhang makapangyarihan. Sa pagkakaroon nito, nagiging isa siyang di pangkaraniwang tao na may angking kapangyarihang kasukat ng sa kaaway.

Ang ikalawang teoryang inilahad ni Franco ay tungkol kay Jesus at wala ito sa Bibliya: nag-aral si Jesukristo ng mahika sa India sa panahon ng kanyang kabataan mula labintatlo hanggang tatlumpung taong gulang.

Isa pang teorya tungkol sa pinagmulan ng anting-anting ay ang paniwala na dala ito ng mga misyonerong Espanyol. Ang mga nauna sa mahihiwagang armas na ito ay malalaking bilog na mga metal na buong ingat na inukitan ng mga relihiyosong larawan at naglalaman ng mga lihim na salita. Ayon sa mga kuwento, nahabag ang mga Heswita sa mga katutubo na walang kalaban-laban sa mga sundalong Kastila at sa mga puwersa ng paganismo; ang mga itak ay nagmistulang laruan laban sa pulbura at mga halimaw. Ito ang dahilan kung bakit ang mga pari ay nagpakalat ng anting-anting sa mga katutubo. Ayon sa sabi-sabi napag-alaman ito ni Reyna Isabela kung kaya't ipinatapon ang mga Heswita.

Mula sa mga teoryang ito makikita ang pagsasanib ng Kristiyano at katutubong paniniwala sa ritwal ng pagtatamo, consagracion, pagpapaandaar at pagsubok ng anting anting.

Mahal na Araw kung hanapin at subukin ang bisa ng anting-anting. May iba't ibang paraan ng pagkuha nito. Sa Batangas ang mga tirong (ipinagpapalaganya mga propesyunal na Robinhood) ay nagpupunta sa sementeryo sa hatinggabi upang humanap ng puntod ng sanggol na kalilibing pa lamang. Dapat, hindi pa nabibinyagan ang sanggol o kaya nama'y ipinalaglag ito. Inilalagay ito sa loob ng bumbong na kawayan na may maliliit na butas sa ilalim. Ang lumalabas na katas nito ay tinitipon sa isang bote at iniingatan hanggang sumapit ang Mahal na Araw Pagtuntong ng Semana Santa, araw-araw na iinom mula sa bote ang tirong, mula Lunes Santo hanggang Biyernes Santo.

Ang pagsubok naman sa kapangyarihan ng isang anting-anting ay ginagawa kung Sabado de Gloria o Linggo ng Pagkabuhay. Ganito ang ritwal na ginagawa kung Sabado ng hatinggabi o bisperas ng Linggo: Maliligo sa isang batis, at upang masubok ang bisa ng anting-anting, tatalon sa matutulis na tulos ng kawayan. Kapag hindi nasaktan, gagawin ang susunod na pagsubok: hihiwain ng itak ang sarili. Sa ganito nagkakaroon ng kabal at hunat sa mga patalim ang isang tao.

Nakukuha rin ang anting-anting sa sementeryo. Maaaring magpunta ka rito kapag alas dose ng gabi kung Miyerkoles Santo o Huwebes Santo at maglagay sa ibabaw ng nitso ng mga pagkain, isang baso ng alak, at dalawang kandila na may sindi. Bago maupos ang mga kandila, mauubos ng mga espiritu ang pagkain at alak, at makakaiwan ang mga iyon ng isang puting bato sa isa sa mga lalagyang wala nang laman. Makikipagtunggali ngayon ang naghahangad ng anting-anting sa espiritung tinatawag na lamang-lupa upang makuha ang anting-anting. Yaong may di pangkaraniwang tapang o pangahas lamang ang gumagawa nito. Kadalasan sila yaong nagiging punong rebelde o tulisan.

Sa Kabisayaan isang paraan ng pagtatamo ng anting-anting ay ang paghukay sa puntod ng isang pusang itim na nakalibing sa magkakrus na daan, kung Biyernes Santo. Ipinagpapalagay din ng mga Bisaya na ang telang itinali sa ulo ng patay ay nagbibigay ng iba't ibang kapangyarihan: may sa tagabulag, may kunat at kabal sa patalim, panlaban sa sakit, at nagbibigay ng suwerte sa sugal. Upang makuha, kailangang tatlong ulit na tumakbo paikot sa bahay ng patay. May higante siyang makakasagupa at mag-aagawan sila sa pagkuha sa mutya; sa sandaling mapasakamay niya, dapat ilagay ang mutya sa kanyang kili-kili.

Sa Mindanao, sinumang nais magkaroon ng galing ay nakikipaglaban sa demonyo sa pamamagitan ng pambayo ng palay sa hatinggabi ng Todos Los Santos o Araw ng mga Patay. Kapag nagapi, mag-iiwan ang diyablo ng isang bato na magiging anting-anting. May paniwala rin sa Bisaya't Mindanao na makakakuha ng anting-anting kapag binantayan ang paglaglag ng mutya mula sa puso ng saging kung Biyernes Santo. May higanteng darating upang makipag-agawan sa pagkuha ng mutya. Kapag natalo ang higante, lululunin ng nanalo ang agimat at magmula sa sandaling iyon ay hindi na siya matatalo sa anumang labanan.



Source: ANTING-ANTING (O Kung Bakit Nagtatago sa Loob ng Bato si Bathala)
, Nenita D. Pambid

4 comments:

  1. magandang gabi po. ask kolang po sana kung meron po ba kayong poder, panalangin at susi po sa medalyong santo kristong baligtaran po. matagal ko na po kasi itong dala2 pro d ko po alam paano po ito mgkabisa, ito lang po kasi ang binigay ng tatay ko bago xa po namatay... salamat po. ito po e mail ko kung sakaling marapatin ninyo po... otinianomautganonjr@yahoo.com.

    ReplyDelete
    Replies
    1. 7x sumasampalataya na walang amen ang dapat mong dasalin tapos ipatungkol mo sa sto.cristong baligtaran.

      Delete
  2. anu naman po nangyayari sa tao kapag nanalo yung lamang lupa sa pag aagawan nila sa anting? my consequence po ba?

    ReplyDelete
  3. kelangan po ba ng armas o mano mano ang labanan?

    ReplyDelete

Respect is the KEY WORD