Pages

Tuesday, June 21, 2011

ANG LIHIM NG BAGONG BOARDING HOUSE (Kababalaghan Story)

By: John Capellan, Originally Posted in FACEBOOK
DAIDIG NG KABABALAGHAN - Umbraculum Mysterium

Authors Note: This story is a work of fiction. the characters, dialogues and events used herein are drawn from my own imagination. Any similarities in real life are unintentional. references to real places, establishments and events are used only to provide a sense of authenticity. Any false information about them are unintentional and are mine alone.

(Part 1/3)

Bumalik ako sa boarding house para alamin ang sanhi ng isang sirang linya ng tubig doon. Ngunit higit pa roon ang aking natuklasan, na siyang naging dahilan para tugisin ako hindi lang ng isang tao, kundi ng isang mapanganib na samahang apat na dekada nang isinilang.

Ako nga pala si Ryan, isang bagitong architect at siyang designer ng boarding house na ito sa isang baranggay sa Cabuyao, Laguna. Two-storey ito na may common kitchen at dining area, laundry at drying area, at maaliwalas na sala na nagsisilbing lobby ng labing-dalawang kwarto doon. Kahit palibot ng mataas na bakod, meron pa rin itong space para sa garden at parking area, kung saan naka-park ang aking sasakyan. Isinumbong sa akin ni Mrs. Ronquillo—ang may-ari ng boarding house, ang reklamo ng isa sa mga boarders doon tungkol nga sa sirang linya ng tubig. Kaya ako narito, kasama ang tubero kong si Owen. Alas-singko na nga kami nakarating dahil sa dami pa ng inasikaso namin sa Maynila. Nakakagulat nga, kasi two weeks pa lang nang i-turn over ko ito kay Mrs. Ronquillo, may nakatira na agad sa lahat ng kwarto. Kung sabagay, kahit kasi wala ito sa mismong bayan, malapit naman ito sa isang iskuwelahan, isang resort, at mga tindahan.

Ang caretaker ng boarding house na si Mang Ramon ang sumalubong sa amin. Sinamahan niya kami sa itaas, sa kwarto ng nagrereklamong boarder—si Elaine. Si Elaine ang pinakahuling pumasok sa boarding house four days ago. Tinungo namin ang banyo niya at nakita naming wala ngang lumalabas na tubig sa mga gripo at shower head, gayong sa ibang banyo naman ay meron. Tiningnan namin ang water line layout sa blueprint na dala ko. Sinuri. Pagkatapos ay inutusan ko si Owen na puntahan ang water meter sa ibaba, para mula roon, i-trace kung nasaan ang sira. Sinamahan siya ni Mang Ramon.

“Architect,” tawag sa akin ni Elaine, habang nakatingin ako sa plano.

“Ryan na lang, Elaine,” sabi ko.

“Ryan,” patuloy ni Elaine. “Bakit ikaw ang pumunta? Nasaan si Mrs. Ronquillo?”

“On the way na siya. Galing pa kasi siya sa Pangasinan,” sagot ko.

“Alam mo bang may iba pa akong reklamo? Tungkol ito kay Mrs. Ronquillo.”

Napatingin ako kay Elaine, at naghintay ng susunod niyang sasabihin. Masyado raw mahigpit si Mrs. Ronquillo kay Mang Ramon. Madalas daw itong galit kahit sa kaunting pagkakamali lamang. Kahit silang mga boarders ay tinatarayan nito kapag hindi nito nagugustuhan ang mga nakikita. Minsan narinig niya itong minumura ang nakatira sa katabing kwarto dahil lang sa kapirasong basurang nakakalat sa tapat ng pinto nito. Hindi pa nakuntento si Elaine at isinama pa ako sa kwartong nasa dulo ng corridor. Kwarto iyon ng mag-asawang Rolly at Jen na may kanya-kanya ring kwento tungkol sa pagmamalupit ni Mrs. Ronquillo. Idinagdag pa ni Rolly na may itinatagong medalyon ang matanda na sa tingin niya’y isang uri ng anting-anting. Gamit ang kanilang computer na may internet access, ipinakita niya sa akin ang picture ng kaparehong medalyon. Inabot na kami roon ng alas sais, pero hindi pa rin nakakabalik si Owen. Dumidilim na. Nakita na kaya niya kung nasaan ang sira? Pero hindi na ako nakatiis. Nagpaalam muna ako kay Elaine para sundan sa ibaba si Owen. Narating ko ang gate, nadaanan ko ang metro, pero hindi ko siya nakita. Ang nakita ko ay ang kotse ni Mrs. Ronquillo, nakaparada katabi ng sasakyan ko. Nandito si Mrs. Ronquillo!

Nanaig pa rin ang trabaho ko. Muli kong binuksan ang plano. Sinundan ko sa aktwal ang linya ng tubig na tumutumbok sa banyo ni Elaine. Mula sa metro, pinadpad ako niyon sa gilid ng pader ng bahay. Hanggang dalhin ako niyon sa laundry area sa dakong likod ng bahay, kung saan natuklasan ko sa ilalim ng lababo ang katawan ni Owen—tadtad ng taga sa katawan! Agad akong kinabahan. Pinagpawisan. Inilabas ko ang cellphone ko para tumawag ng pulis, subalit biglang sinugod ako ng taga ni Mang Ramon. Mabuti na lang at naisalag ko ang mga dala kong gamit, at mabilis na nakatakbo. Kasama sa mga nawasak sa pag-atakeng iyon ang aking cellphone. Napasuot ako sa pang-likurang pinto ng bahay. Kinatok ko ang mga pinto ng kwarto doon, subalit walang nagbubukas. Walang tao sa paligid kundi si Mang Ramon na nakasunod pa rin sa akin, dala sa isang kamay ang duguang itak. Napasok ko ang isang kwarto roon. Madilim. Wala ring tao. Nagtago ako sa banyo, sabay narinig ko ang yabag ni Mang Ramon na pumasok din sa kwarto. May grills ang maliit na bintana ng banyo. Imposibleng makatakas. Huli na rin para lumabas pa ako ng pinto, masasalubong ko si Mang Ramon!

Itutuloy...

No comments:

Post a Comment

Respect is the KEY WORD